May 27, 2023 | Saturday

Wagas Na Pag-Ibig At Pagkilala Sa Diyos

Today's verse: Hosea 6:6 – MBBTag

Sapagkat wagas na pag-ibig ang nais ko at hindi handog, pagkilala sa Diyos sa halip na handog na sinusunog.


Read: Hosea 6

Nais ng Diyos na ang tao ay magkaroon ng wagas na pag-ibig at pagkilala sa Kanya.


Si Hosea ay propeta ng Diyos ayon sa Old Testament. Nagpahayag siya na ang Diyos ay may mga hinaing sa hari at sa mga mamamayan ng Israel. Ang buong bayan sa pangunguna ng mga magkakasunod na mga hari ay mga sumuway sa kasunduan o ‘covenant’ sa Diyos. Kaya’t buong tapang na isinulat ni Hosea ang mga kanilang kawalan ng katapatan sa ‘covenant’. Bagamat ang mga mamamayan ay naghahandog pa rin, ang mas nais ni Yahweh mula sa mga tao ay ang kanilang wagas na pag-ibig. Para sa Diyos, gusto Niyang kilalanin Siya at ibigin Siya. Mas may dating kay Yahweh ang pagkilala sa Kanya na may wagas na pag-ibig na ang bunga ay pagpapakumbaba at pagsunod. Ayaw ng Diyos ng dagliang pag-ibig mula sa mga tao.


Maski sa panahon natin ngayon, ang Biblia ay nananawagan pa rin para sa Diyos. Maraming pangangaral o simpleng Bible study ang nananawagan na mahalin pabalik ng tao ang Diyos. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagpapkumbaba at pagsunod sa kalooban ng Diyos. Hindi natin kailangan na pahirapan ang ating sarili para mapatunayan ang dedication natin sa Diyos. Para sa Diyos, wagas na pag-ibig at pagkilala mula sa mananampalataya ang Kanyang mas ninanais at mas hinahanap. 


Ang mas mataas na level ng pag-connect sa Diyos ay sa pamamagitan ng wagas na pag-ibig at pagkilala sa Kanya. Higit pa ito sa anumang relihiyosong gawain. Ang pagkakaroon ng wagas na pag-ibig sa Diyos ay ang pagbibigay natin ng ating allegiance sa Diyos. Kailangan nating lampasan na ang performance at religiosity lamang. Nagdadala ito ng stress. Kung tayo ay magko-connect sa Diyos ng may wagas na pag-ibig at pagkilala, mas magagawa ng Diyos para sa atin ang pagpapagaling at pagpapatawad – iwas stress. Mas mararanasan natin ng makatotohanan ang kapangyarihan ng Diyos. At malamang na higit pa sa ating inaasahan. Again, iwas stress. Kaya, pagsikapan natin na mas makilala ang Diyos.

Aming Diyos Ama, nais kong ibigin ka ng wagas. Nais ko na mas makilala ka sa Iyong pag-ibig, sa Iyong katapatan, sa Iyong pagpapagaling, at sa Iyong pagpapatawad. Ako po ay nagpapakumbaba. Ako ay humihingi ng kapatawaran sa mga hayag at mga tagong kasalanan. Ikaw ang mas kailangan ko higit sa anuman at kaninuman. 

Sa pangalan ni Hesus, Amen.

Pagnilayan:

Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions