June 20, 2023 | Tuesday

Huwag Ikahiya Ang Magandang Balita

Today's verse: Romans 1:16-17, MBBTag

16 Hindi ko ikinahihiya ang Magandang Balita, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya, una'y sa mga Judio at gayundin sa mga Griego. 17 Sapagkat sa Magandang Balita ay ipinapakita kung paano itinutuwid ng Diyos ang kaugnayan ng tao sa kanya. Ito ay sa pamamagitan ng pananampalataya buhat sa simula hanggang sa wakas. Tulad ng sinasabi sa Kasulatan, “Ang itinuring ng Diyos na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay.”


Read: Romans 1 

Ito ang hindi dapat ikahiya: Ang kayang gawin ng pananampalataya sa Diyos dahil sa Magandang Balita para sa ikakaayos ng relasyon ng tao sa Diyos.


Dumating sa punto ng buhay ni Apostle Pablo na nasabi niyang hindi niya kayang ikahiya ang Salita ng Diyos, ang ‘gospel’ o ang Magandang Balita. Ang Magandang Balita ay may kakayanan na ipakita na pwedeng ituwid o iayos ng Diyos ang “kaugnayan ng tao sa Kanya”. At ito ay sa pamamagitan ng pananampalataya na “buhat sa simula hanggang sa wakas.” May kayang gawin ang pananampalataya sa Diyos dahil sa Magandang Balita para sa ikakaayos ng relasyon ng tao sa Diyos. At kung babasahin natin ang Romans chapters 1 and 2, mauunawaan natin na si Hesu-Kristo ang tinutukoy sa Magandang Balita. Ang sakripisyo at pagkabuhay na muli ni Hesus ay may kinalaman bakit sobrang powerful ang Magandang Balita … at hindi dapat ikahiya!


Ang taglay na katotohanan ng Magandang Balita ay ang pag-aayos o pagtutuwid ng relasyon ng tao sa Diyos. May mga bagay sa buhay natin na dapat ikahiya. Alam natin ito. Ngunit ang Magandang Balita ng Diyos para sa mga tao ang may taglay na katotohanan na hindi dapat ikahiya. Ang katotohanan ay pwedeng maging matuwid o ‘righteous’ ang isang tao sa harapan ng Diyos sa pamamagitan lamang ng pananampalataya.


Dapat tayong makumbinsi sa makapangyarihang katotohanan ng Magandang Balita. Huwag itong ikahiya. Bagkus sa ating puso’t isipan ay lubos na unawain ang kakayanan nitong baguhin para sa ikabubuti ang buhay ng tao. Maaaring may nag-aantay ng kamag-anak o kaibigan mo sa ibabahagi mo. At higit sa lahat, hindi mo kailangang gawing makapanyarihan ang Magandang Balita. Ito ay makapangyarihan na. Kailangan mo na lamang ikwento ng maayos sa iba. 

Panalangin

Aming Diyos Ama, patawarin mo ako sa aking mga pagkukulang sa pagbabahagi ng Salita Mo. Bigyan mo muli ako ng pagkakataon na ikwento ka at ang iyong Magandang Balita. Bigyan mo ako ng pag-ibig sa tao para maibahagi ko sa kanila si Hesu-Kristo.

Sa pangalan ni Hesus, Amen. 

Pagnilayan:

Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions