June 19, 2023 | Monday

Alipin Na Kaisipan Vs. Anak Na Pagkakilanlan

Today's verse: Romans 8:15, MBBTag

Sapagkat hindi espiritu ng pagkaalipin ang inyong tinanggap upang kayo'y mamuhay sa takot. Sa halip, ang inyong tinanggap ay ang Espiritu ng pagkupkop upang kayo'y gawing mga anak ng Diyos, kaya tayo'y tumatawag sa kanya ng, “Ama, Ama ko!”


Read: Romans 8 

Malaki ang pinagkaiba ng kaisipan ng isang alipin ng takot sa kaisipan ng pagiging anak ng Diyos.


Sa Romans 8:15 ay sinasabi ni Apostle Pablo na may kaibahan ng saloobin at pananaw ang isang alipin sa isang anak. Ang alipin ay namumuhay sa takot. Ang anak naman ay namumuhay sa lumilinaw na pagkakilanlan o ‘identity’. Ang anak ay marunong tumawag ng ‘Ama, Ama ko!’ dahil sa udyok ng Espiritu Santo. Ang alipin naman ay may espiritu ng pagkaalipin dala ng hindi maipaliwanang na takot. 


Kailangan natin na masigurado kung talagang tayo’y anak ng Diyos. Hindi kayang ibigay ng ‘religion’ o pagiging relihiyoso ang ‘identity’ ng pagiging anak ng Diyos. Nagiging ‘performance oriented’ ang taong relihiyoso lamang. Namumuhay siya sa pag-alala at takot na baka di niya maibigay ang best niya. Siya ay nababalisa sa takot na baka di siya pumasa sa Diyos. Malamang siya’y lumayo na lang sa Diyos dahil hindi Niya kayang sundin ang Diyos ayon sa sariling lakas niya. Kakaiba naman ang anak sa kaisipan at sa pananaw. Ang anak ay nakabase sa relasyon niya sa Diyos – hindi sa kanyang performance. Bagkus ang kanyang relasyon sa kanyang Ama sa langit ang nagbibigay ng ‘motivation’ sa kanya na gumawa ng mabuti. Kaya hindi siya nagiging ‘performance oriented’. Bagkus nagiging purong kagalakan ang anumang kanyang ginagawa na pagsunod sa Diyos. Hindi napipilitan. Nagiging natural at normal ang pagsunod. Ganado siya at hindi nagdadahilang na busy daw. How I wish na mas malinang ang ganitong kaisipan at pananaw sa puso ng mga tao … lalo na sa mga anak ng Diyos.


Nanawagan ang Diyos sa mga tao na magkaroon ng relasyon sa Kanya. Isang relasyong lumalalim na darating sa punto na tatawag ang tao ng ‘Ama, Ama’ sa Diyos. Kaya, alamin natin kung ano ang nilalaman ng panawagan na ito ng pakikipagrelasyon sa Diyos bilang mga anak at Ama. Huwag nating ihalintulad na kung tayo ay relihiyoso na ay iyun na yun. Higit na iba ang pagiging relihiyoso kumpara sa pagiging anak ng Diyos. Iba ang relihiyon sa relasyon. 

Panalangin

Aming Diyos Ama, kami ay nagpapakumbabang lumalapit sa iyo. Linawin Mo sa amin ang pagkakilanlan o ‘identity’ namin. Ipahayag mo ng malinaw sa amin ang kaibahan ng kaisipan ng pagiging alipin ng takot, kumpara sa lumalalinm na relasyon ng pagiging anak.

Sa pangalan ni Hesus, Amen. 

Pagnilayan:

Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions