June 24, 2023 | Saturday
Walang Kabuluhan At Walang Pakinabang Kung Walang Pag-Ibig
Today's verse: 1 Corinthians 13:2-3, FSV
2 Kung mayroon man akong kaloob ng propesiya at nauunawaan ko ang lahat ng mga hiwaga at ang lahat ng mga kaalaman, at taglayin ko man ang lahat ng pananampalataya upang mapalipat ko ang mga bundok, ngunit wala naman akong pag-ibig, ako ay walang kabuluhan. 3 Kahit ipamigay ko pa ang lahat ng aking ari-arian, at ibigay ko ang aking katawan upang sunugin, ngunit wala naman akong pag-ibig, wala itong pakinabang sa akin.
Read: 1 Corinthians 13
Ang makadiyos na pag-ibig ang nagbibigay ng kabuluhan at pakinabang sa lahat ng mabubuting gawa natin.
Ikinumpara ni Pablo ang pag-ibig sa ibat-iba at dakilang gawain na maaaring magawa para sa Panginoon. Nandyan ang prophecy, ang kaunawaan sa mga mahiwagang bagay, ang taglayin ang lahat ng kaalaman, ang pagkaroon ng matinding pananampalataya, o di kaya’y ang matinding sacrifice ng pag-alay ng aking sarili. Ang mga ito kapag nagawa ng isang mananampalataya ay matatawag na isang dakilang anak ng Diyos. Ngunit kung ang pag-ibig na dakilang ingredient ng buhay Kristiano ay wala sa kanyang mga mabubuting gawa, ang mga ito’y walang kabuluhan at walang pakinabang maski sa isang ‘Jesus believer’.
Walang kabuluhan at walang pakinabang ang anumang spiritual na gawain o mabubuting gawa kung ginagawa nang walang pag-ibig. Ang salaan ng lahat ng mabubuting gawa ay kung ito ay ginawa ng may pag-ibig. Ang ‘motivation’ o pinakamataas na dahilan para gumawa tayo ng mga pag-sunod sa Diyos ay kung ginagawa ba natin ito nang may pag-ibig.
Siyasatin natin ang ating sarili. Kailangang tanungin natin ang ating pananampalataya kung totoo at talagang bang ginagawa ko ang mga ito ng may pag-ibig. Nararapat kong alamin kung ang dahilan ng paggawa ko ng mabuti at anumang ministry ay may pag-ibig. Kailangan nang itigiil ang mga kaabalahan at mga labanan sa aking isip at simulang siyasatin ang aking pagkatao. Ang Diyos ay hindi nagko-condemn. Pero kailangan ko pa ring alamin ang topic ng maka-Bibliang pag-ibig at ikumpara ito sa sariling kaunawaan o ‘logic’ ko tungkol sa topic ng pag-ibig. Baka iba ang aking definition kumpara sa kung ano ang nilatag na pakahulugan ng Biblia tungkol sa pag-ibig. Ating gawin ang lahat ng bagay nang may pag-ibig.
Panalangin
Aming Diyos Ama, ikaw ng Diyos ng pag-ibig. Tulungan Mo po akong itama ang aking kaunawaan, pananaw, at motivation patungkol sa pag-ibig. Turuan mo akong gawin ang lahat ng bagay ng may pag-ibig. Patawad sa aking paggawa ng mabuting gawain ng kapos o walang pag-ibig. Lagyan mo ang puso ko ng Iyong nag-uumapaw na pag-ibig.
Sa pangalan ni Hesus, Amen.
Pagnilayan:
Ano ang nararapat na ‘motivation’ para gumawa nang may pag-ibig?
Papaano magiging makabuluhan at may pakinabang ang mga ginagawa kong mabubuting gawain?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions