June 21, 2023 | Wednesday
Makadiyos Na Pakikipagkapwa-Tao
Today's verse: Romans 12:9-10, MBBTag
9 Maging tunay ang inyong pagmamahalan. Kasuklaman ninyo ang masama at pakaibigin ang mabuti. 10 Magmahalan kayo bilang magkakapatid at pahalagahan ninyo ang iba nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyo.
Read: Romans 12
Ang simpleng pakikipagkapwa-tao lamang ay kayang i-level up para maging makadiyos na pakikipagkapwa-tao.
Pagdating sa Romans chapter 12, si Pablo ay mas nagturo kung papaano isapamuhay ang pananampalataya. Ayon kay Pablo, ang tunay na pananampalataya ay nagiging makatotohanan kung ito ay may kalakip na pagbabago sa pananaw at pag-uugali ng isang Kristiano. Kasama sa mga makadiyos na pananaw ay ang pagkaunawa sa tunay na pag-ibig. Ang Romans 12:9-10 ay nagpapaliwanag na ang pag-ibig na ito ay naipapahayag laban sa pagkasuklam sa masama at nagagawang ibigin ang mabuti. Dagdag pa dito ay ang pagpapahalaga sa kapwa tao kesa sa ating sarili.
Marami sa atin ang kayang makipagkapwa-tao. At kung uunawain natin, ibang level ng paggawa ng mabuti ang makadiyos na pakikipagkapwa-tao. Ang makadiyos na pakikipagkapwa-tao ay may kalakip na tunay na pagmamahal at pagpapahalaga sa ibang tao kesa sa ating sarili. Ito madalas na challenge sa lumalagong Kristiano. Bakit? Kasi ang lumalagong Kristiano ay palagiang dumadaan sa challenges na mas maging kalawaran ni Hesu-Kristo sa maraming bagay. Ironically, ito ang klase ng challenge na hindi palaisipan sa mga hindi lumalago sa pananampalataya. Isiping mabuti.
Kaya dapat siyasatin ng lumalagong Kristiano ang kanyang sarili sa level ng makadiyos na pakikipagkapwa-tao. Hindi lang basta makontento sa pakikipagkapwa-tao o simpleng paggawa ng mabuti. Sa halip ay naisin at pag-isipan natin kung papaano gawin ang makadiyos na pakikipagkapwa-tao. Pagsikapan natin ito sa tulong ng Diyos. Simulan sa pagkakaroon ng biblical faith. At kaalinsabay nito ay ang pagsasakatuparan ng pagiging mapagmahal na anak ng Diyos dahil sa pananampalataya kay Hesu-Kristo. Mahirap ito sa ganang sariling lakas lamang. Kaya nga may Salita ng Diyos at Espiritu Santo na gabay natin sa araw-araw na pamumuhay. Ang pamumuhay na ito ay mula sa pananampalataya na nahahayag sa pamamagitan ng taos sa pusong paggawa ng mabuti sa ating kapwa mananampalataya.
Panalangin
Aming Diyos Ama, bagamat mahirap unawain ang mga pag-uugali ng aking kapwa-tao, turuan mo ako ng makadiyos na pakikipagkapwa-tao. Palitan mo ang aking kawalan ng pag-ibig ng tunay na pagmamahal. Maunawaan ko ng mas mabuti ang pagpapahalaga sa iba kesa sa pagpapahalaga ko sa aking sarili.
Sa pangalan ni Hesus, Amen.
Pagnilayan:
Ano ang kaibahan ng pakikipagkapwa-tao kumpara sa makadiyos na pakikipagkapwa-tao?
Anong katangi-tangi na pag-uugali na kailangan ko taglayin para ako’y magkaroon ng makadiyos na pakikipagkapwa-tao?
Papaano magagawa ang makadiyos na pakikipagkapwa-tao?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions