June 26, 2023 | Monday

Magpasakop Sa Pag-Ibig Ng Diyos

Today's verse: 1 Corinthians 13:4-8, FSV

4 Ang pag-ibig ay matiyaga at mabait; hindi mapanibughuin, hindi mapagmalaki o mayabang; 5 hindi magaspang ang asal; hindi nag-iisip para sa sariling kapakanan, hindi mayayamutin, hindi nagbibilang ng kamalian. 6 Hindi ito nagagalak sa kasamaan, kundi nakikigalak sa katotohanan. 7 Ang pag-ibig ay nagtitiis sa lahat, nagtitiwala sa lahat, may pag-asa sa lahat at may tiyaga sa lahat. 8 Ang pag-ibig ay walang katapusan. 


Read: 1 Corinthians 13 

Ang pinaka-accurate na definition ng pag-ibig na matatagpuan sa pinaka-unusual na libro — ang Bible, ay nagbibigay liwanag para malalaman ng isang tao kung ang kanyang mga ginagawa ay may pag-ibig o wala.


Ang Biblia ay nagbigay ng pakahulugan ng salitang 'pag-ibig'. Sa panulat ni Apostle Pablo, pambungad niyang sinabi niya na ang pag-ibig ay 'matiyaga' at 'mabait'. At nagpatuloy ang pag-define ng pag-ibig sa pamamagitan ng mga salitang ‘hindi magaspang ang asal; hindi nag-iisip para sa sariling kapakanan, hindi mayayamutin, hindi nagbibilang ng kamalian’. Ibinigay ni Pablo ang mga salita na ito patungkol sa pag-ibig upang ang church ng Corinto ay maging maaalam sa kahalagahan ng maka-Diyos na pag-ibig sa area ng paglilingkod sa Diyos at sa kapwa. Binigyan diin ni Pablo ang definition ng pag-ibig matapos niyang banggitin muna ang iba’t-ibang dakilang pamamaraan ng paglilingkod sa Diyos at sa kapwa. Na ang mga klase ng ganitong pamamaraan ng paglilingkod sa Diyos at sa kapwa ay walang kabuluhan at walang pakinabang kung gagawin ng walang pag-ibig


Napaka-timely na malaman natin kung ano ang kinalaman ng pag-ibig sa anumang ministry na ginagawa natin. Kung magiging maliwanag sa mga tao na hindi basta-basta ang paglilingkod sa Diyos nang walang kaakibat na pag-ibig, hindi magagamit ang paglilingkod sa Diyos o ang pagkakaroon ng mga spiritual gifts para sa ganang sarili lamang. Mas magiging maliwanag sa atin ang kahalagahan ng ministry at spiritual gifts sa context ng pag-ibig. At mas masisiyasat natin ang ating motibo sa mga relihiyosong gawain. 


Tayo’y magpakumbaba sa Diyos. Hindi basta-basta ang paglilingkod sa Diyos. Hindi dahil may spiritual gifts na ay maglingkod na agad sa Diyos. Ating isapuso muna ang role ng pag-ibig sa ating mga ginagawa. Ingat tayo sa kayabangan na nakatago lamang sa ministry at spiritual gifts. Sayang ang anumang ginagawa na ministry kung ginagawa ng may kayabangan, inggit, o tago na magaspang na asal. Magpasakop tayo sa pag-ibig ng Diyos.

Panalangin

Aming Diyos, Ikaw ay Diyos ng pag-ibig. Patawarin mo ako sa aking kakulangan ng pag-ibig. Bigyan mo ng liwanag ang aking buhay sa kung ano talaga ang ibig sabihin ng pag-ibig. Nawa ang aking buhay ay maging daluyan ng tunay na pag-ibig Mo.

Sa pangalan ni Hesus, Amen. 

Pagnilayan:

Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions