June 19, 2024 | Wednesday

UVCC Daily Devotion

On the Book of Psalms

Solusyon Sa Overthinking

Today's Verses: Psalm 94:18–19 (ASND)

18 Nang sabihin kong parang mamamatay na ako, ang inyong pag-ibig at awa Panginoon ang tumulong sa akin. 19 Kapag gulong-gulo ang isip ko, inaaliw nʼyo ako at akoʼy sumasaya.


Read Psalm 94

Naranasan mo na bang mag-overthink?


Ang manunulat ng Psalm chapter 94 ay naghayag ng kanyang hugot laban sa mga masasama. Nakita niya na ang kasamaan ng tao ay palala ng palala. Ang paglala ng kasamaan na ito ay umaabot na sa kanyang bayan at mga kababayan. Apektado na sila. Dahil dito, ninais niyang ipaghiganti sila ni Yahweh. Naalala niya ang katapatan ng Diyos sa kanyang bayan. Naalala din niya na mula sa Diyos ang tulong. Naisip niya rin na buti na lang at ang Diyos ang gumabay sa kanya. Kamuntikan na siyang madulas tungo sa sobrang hinanakit at paghihiganti. 


Walang tao na walang problema. Ngunit ang tao madalas ay sobra mag-isip ng problema. Bagaman ayaw ng Diyos na tayo ay namomroblema, ang tao ay likas na mahusay na palakihin ang problema. Malamang kasi dahil ang problema ay mas ramdam at mas tanaw kesa sa Diyos at ang Kanyang pag-ibig at mga pangako. Bagamat iniisip ng tao ang Diyos, pero mas iniisip ng tao na mag-overthink. Ang overthinking ay ang manahan sa problema ng paulit-ulit. Ito ay nakaka-paralisa dahil hindi mo magawa ang dapat na gawin. Ito ay nagbubunga o kaya’y dulot ng anxiety o depression. Dagdag pa, napipigilan ng overthinking ang pagiging mabunga ng isang tao. Ang good news ay, kahit na may problema, may solusyon na available mula sa Diyos. Ang pangako ng Diyos ba ay paniniwalaan mo o pagdududahan mo. Ang pag-ibig ng Diyos at ang kalinga ng Diyos ay higit na mas malaki kesa sa iyong problema. Ang kaguluhan sa isipan mo ay kayang maiibsan at paglipas ng panahon ay mapawi.


Alalahanin ang Diyos. Siya ay may kakayanang magligtas. Manangan sa Diyos. Siya ay nagbibigay katiwasan sa isip at sa puso. Magtiwala sa Diyos. Sapat ang kanyang pag-ibig para tayo ay patawarin sa ating pag-aalala. Sapat ang kanyang lakas para tayo ay hanguin sa pagkalugmok. Sapat ang kanyang kapayapaan para tayo ay kalingain sa ating overthinking.

Panalangin:

Makapangyarihang Diyos Ama, payapain Mo ang aking damdamin. Ako’y iyong palakasin ang bisig. Tulungan mo akong harapin ang problema ng may lakas ng loob. Bigyan Mo ako ng Iyong sukdulang biyaya at aking mapagtatagumpayan anuman ang pagsubok sa buhay. Salamat Panginoong Jesus sa iyong kagalakan.

Purihin Ka, o Diyos. Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Deuteronomy 1-2

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions