June 20, 2024 | Thursday

UVCC Daily Devotion

On the Book of Psalms

Binabantayan At Inaalagaan Ng Diyos

Today's Verses: Psalm 95:6–7 (ASND)

6Halikayo, lumuhod tayo at sumamba sa Panginoon na lumikha sa atin. 7Dahil siya ang ating Dios at tayo ang kanyang mga mamamayan na gaya ng mga tupa sa kanyang kawan na kanyang binabantayan at inaalagaan. Kapag narinig ninyo ang tinig niya, …


Read Psalm 95

Alam mo ba na ikaw ay binabantayan at inaalagaan ng Diyos?


Ang Psalm 95 ay isang awitin ng imbitasyon na magpuri at sumamba sa Diyos. Ang manunulat ay buong sigla na inihayag ang kadakilaan ng Diyos, ang katapatan ng Diyos, at ang pagiging manlilikha ng Diyos. Nais ng manunulat na ang kanyang bayan na inaalagaan at binabantayan ng Diyos ay tumalima sa panawagan ng Panginoon. Ang nakakalungkot ay hindi tumalima ang bayan ng Diyos. Bagkus sila ay nagmatigas ng mga puso. 


May panawagan ang Diyos sa atin at sa lahat. Tayo ay pwedeng tumugon ng may pagtalima, o di kaya’y tumalikod ng may matigas na puso. Kaya may panawagan ang Diyos sa atin ay dahil nais Niya tayong mas mabantayan at mas maalagaan. Bigyan halimbawa natin ito sa pamamagitan ng ating mga magulang. Sila din ay binabantayan at inaalagaan tayo. Ginagawa nila ang pagbabantay at pag-aalaga sa atin sa halos lahat ng panahon. Ngunit may mga pagkakataon habang tayo ay lumalaki at mas nagkakaisip, tayo ay natututong lumayo at sumuway sa kanila. Sa ganoong mga pangyayari, hindi magawa o kaya’y limitado ang nagagawang pagbabantay at pag-aalaga ng ating mga magulang. Sa ganitong mga pagkakataon, tayo ay pwedeng magdusa ng ‘consequences’ dahil sa ating pagsuway. Ngayon, pwedeng palaisipan ito sa atin. Kasunod nito ay ang tanong na kaya ba tayong ingatan ng Diyos maski sa ating pagsuway at pagmamatigas ng puso? 


Ito ang ating nararapat na gawin: tumugon sa panawagan na sumamba at maglingkod sa Diyos. Ang panawagan ay ‘available’ pa rin. Kaya huwag hayaang tumigas ang ating puso dahil sa pagsuway, kalayawan, o pagiging makamundo. Pansinin ang mga Salita ng Diyos na ating naririnig at nababasa. Mas lumalim sa pagsamba, masigasig sa paghayag ng Salita, masipag sa paglilingkod, at mainit sa pagpuri at pagsamba sa Diyos. Ngayon na! Huwag ipagpabukas. Sumamba na at maglingkod sa Diyos!

Panalangin:

Diyos na aking Ama, patawarin mo ako sa lahat ng aking pagdadahilan. Iyo ayusin ang anumang maling pananaw ko. Nais kong tumalima sa Iyo ng may pagsamaba, papuri, at paglilingkod.

Ako’y nagpapakumbaba sa Iyo. Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Deuteronomy 3-4

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions