March 4, 2024 | Monday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Hindi Karapat-Dapat Pero Minarapat Ng Diyos
Today's Verse: Psalm 24:3-4 (ASND)
3 Sino ang karapat-dapat umakyat sa bundok ng Panginoon? At sino ang maaaring tumungtong sa kanyang banal na templo? 4 Makatutungtong ang may matuwid na pamumuhay at malinis na puso, ang hindi sumasamba sa mga dios-diosan, at ang hindi sumusumpa ng kasinungalingan.
Read Psalm 24
Kahit kailanman hindi tayo karapat-dapat sa pansin at sa pag-ibig ng Diyos. Ngunit minarapat ng Diyos na tayo’y pansinin at ibigin ng Diyos.
Ang sigaw ni Haring David ay “Ang buong mundo at ang lahat ng naririto ay pag-aari ng Panginoon.” Para kay David, wala nang mas dadakila pa, mas yayaman pa, mas makapangyarihan pa kesa sa Diyos. Sa kadakilaan ng Diyos, ang tanong ni David ay “Sino ang karapat-dapat umakyat sa bundok ng Panginoon? At sino ang maaaring tumungtong sa kanyang banal na templo?” Kilala ni David ang Diyos kaya si David na din mismo ang sumagot sa sarili niyang katangungan.
Sa paglapit natin sa Diyos, bagamat ang basic na tanong ay ‘Sino ang karapat-dapat lumapit sa Diyos?’, ang mas pangunahing tanong ay kung sino ang ipagbubukas ang Diyos ng pintuan ng kaniyang buhay. Sa kadakilaan ng Diyos na lumikha ng langit at lupa, at bagamat hindi tayo karapat-dapat sa Kanya, minarapat ng Diyos na tayo’y makalapit sa Kanya. Nakaka-excite isipin na ang paglapit sa Diyos ay hindi tungkol sa kakayanan nating linisin o pabanalin ang ating mga sarili para tayo’y maging karapat dapat. Ang paglapit sa Diyos ay kung papaano tayo bibigyan ng Diyos ng “matuwid na pamumuhay at malinis na puso”. Dagdag pa ay kung willing ba tayo na sambahin ang Diyos lamang at hindi ang mga diyos-diyosan o mga rebulto lamang. Hindi tayo karapat-dapat sa pansin at pag-ibig ng Diyos. Ngunit minarapat ng Diyos na tayo’y pansinin at ibigin Niya kung mapagpakumbabang tayong lumalapit sa Kanya.
Masiglang lumapit sa Diyos. Huwag mag-atubili! Lumapit tayo sa Kanya dala-dala ang lahat ng ating kalungkutan, kabiguan, o maski ang ating mga kasalanan. Hindi mao-offend sa atin ang Diyos. Gaano man tayo karumi o hindi karapat-dapat dahil sa kasalanan, pwede nating makaniig ang Diyos. Kaya ng Diyos na linisin ang ating mga puso. Magpakumbaba. Magmadali. Sayang ang panahon na pinipigilan natin ang ating mga sarili na buksan ang ating puso at lumapit na sa Diyos. Tara! Tumugon ng buong puso sa panawagan ng Diyos na manahan sa Kanyang kabutihan.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, ako ay lalapit sa Iyong kabanalan. Salamat at hindi Ka nao-offend sa aking karumihan at mga hugot sa buhay. Ang aking puso ay aking binubuksan sa Iyong paghahari … sa Iyong pag-ibig … sa Iyong Anak na si Jesus. Patawarin Mo ako. Linisin Mo ako. Yakapin Mo po ako.
Maraming salamat. Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang malakas na panawagan ng Diyos sa mga tao?
Bakit may mga tao na pinipigilan o napipigilang lumapit sa Diyos?
Bagamat ang Diyos ay banal, dakila, at makapangyarihan, papaano lumapit sa Diyos na talagang papansinin niya tayo?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions