March 19, 2023 | Sunday
Ang Kaisipan at Kaparaanan ng Diyos
Today's verse — Isaiah 55:8-9, MBBTAG
8 Ang sabi ni Yahweh,“Ang aking kaisipa'y hindi ninyo kaisipan, ang inyong kaparaanan ay hindi ko kaparaanan. 9 Kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa lupa, ang aking kaparaanan ay higit kaysa inyong kaparaanan, at ang aking kaisipan ay hindi maaabot ng inyong kaisipan.
Read: Isaiah 55
Madalas nasasabi ng maraming tao na mahirap unawain ang Diyos. Kaya sa marami, ito ang dahilan kaya bakit maraming nahihirapan sundin ang Diyos.
Ang kaisipan at kaparaanan ng Diyos ay mahiwaga sa pananaw ng isang typical na tao. Sa ating makataong pananaw, ang hiwaga na ito ay nagdudulot ng hindi natin pagsunod sa Diyos. Totoo nga naman! Paano ko susundin ang kautusan o kalooban ng Diyos na di ko maunawaan at hindi ako agree. Nauunawaan natin ito sa isang banda. Mahiwaga ang kaisipan at kaparaanan ng Diyos kasi pag pinagkumpara sa ating sariling kaisipan at kaparaanan ay langit at lupa ang pagitan. Yan ang malinaw na sinabi ng Isaiah 55:8-9, “... ang aking kaparaanan ay higit kaysa inyong kaparaanan, at ang aking kaisipan ay hindi maaabot ng inyong kaisipan.”
Ano ang solusyon dito? Ang kailangan nating gawin ay ipasakop ang ating sariling kaisipan at kaparaanan sa kaisipan at kaparaanan ng Diyos. At para maipasakop natin ang ating kaisipan at kaparaanan sa Diyos, kailangan natin mas mapag-aralan at maisapuso ang kaisipan at kaparaanan ng Diyos. This will take time and commitment. Maaaring mahirap din. Pero siguradong ito’y hindi imposible. Andyan ang Bible at ang Holy Spirit para magawa nating magpasakop sa kaisipan at kaparaanan ng Diyos.
Aming Ama, hindi po madali na isuko at ipasakop sa Iyo ang aming sariling kaisipan at mga kaparaanan. Patawarin Niyo po ako sa aking mga pagsuway. Ngayon ay humihingi po ako ang inyong karunungan upang maunawaan ko ang Iyong kaisipan at kaparaanan. Turuan Niyo po ako ngayong araw na ito. Sa Pangalan ni Hesu-Kristo, Amen!
For Reflections:
Ano ang kaisipan at kaparaanan ng Diyos?
Bakit nagiging mahirap unawain at magpasakop sa kaisipan at kaparaanan ng Diyos?
Isulat kung anu-anong kaisipan at kaparaanan ng Diyos na sa mga sumsunod na mga araw ang kailangan ko unawain at sundin.
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions