March 31, 2023 | Friday

Pagsunod Bilang Pagpapakita Ng Pag-Ibig

Today's verse  Juan 14:15, 21, 23 - MBBTAG12

15 “Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga utos.21 “Ang tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad sa mga ito ang siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama; iibigin ko rin siya at ako'y lubusang magpapakilala sa kanya.” 23 Sumagot si Jesus, “Ang umiibig sa akin ay tumutupad ng aking salita; iibigin siya ng aking Ama, at kami'y pupunta at mananahan sa kanya.


Read: Juan 14

Bago ipako sa krus, nagsalita si Jesus sa Kanyang mga alagad sa huling pagkakataon sa mga talatang ito. Binigyang-diin ni Jesus ang kahalagahan ng pagmamahal, pagpapasakop, at presensya ng Banal na Espiritu sa pahayag na ito. Sinasabi din ng mga talatang ito ang kahalagahan ng pagsunod sa mga utos ni Jesus bilang pagpapakita ng pagmamahal sa kanya.


Ilang bases sinabi ng ating Panginoong Hesus sa Kaniyang mga tagasunod na ang pag-ibig sa kaniya ay dapat ipinapakita sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniyang mga tagubilin, hindi lamang bilang isang emosyon o damdamin. Ang pagsunod ay tanda ng ating debosyon sa pagtataguyod ng kanyang mga turo at gayundin ng ating pagmamahal sa kanya. Sinasabi rin ng ating Panginoon na ang pagsunod sa kanya ay isang paanyaya sa Ama at sa Anak na mamuhay sa loob natin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu.


Sa panahong ito na marami ang pwedeng pagka-abalahan ng mga tao, tanungin natin ang ating sarili, tayo ba ay talagang nagmamahal sa Diyos? Siya ba talaga ang nasusunod sa ating mga desisyon? Nasusunod ba talaga natin ang nais ng Diyos? Kung talagang nagmamahal tayo sa kanya, ipakita natin ito sa ating pagsunod sa kanyang mga tagubulin. Sa umaga ba paggising natin siya ang ating inuuna o ang ating sarili? Kung talagang nais nating sundin ang ating Panginoon simulan natin ang ating araw sa panalangin, pakikipagniig sa kanya at pagbabasa ng kanyang salita. Sa ganitong paraan malalaman nating ang kalooban ng Diyos, ang mga nais niyang gawin natin para sa araw na ito.

Mahal naming Diyos, salamat po sa mga turong iniwan sa amin ng aming Panginoong Hesus, ipinakita niya po sa amin ang daan tungo sa tunay na pag-ibig at pagsunod. Bigyan mo kami ng lakas at tapang na sundin ang mga utos niyo, hindi dahil sa obligasyon kundi dahil sa pag-ibig po namin sa Inyo at sa Panginoong Hesus.

Nawa'y patuloy naming sikapin na sundin ang mga utos niya bilang pagpapahayag ng aming pag-ibig, hindi bilang isang pasanin. Habang kami ay sumusunod, nawa’y patuloy kaming malapit sa Inyo at punuin Niyo po kami ng Inyong pagmamahal at biyaya. Ito ang aming dalangin sa pangalan ng aming Panginoong Hesus, Amen.

Pagnilayan:

Written by: Victor Tabelisma

Read Previous Devotions