May 13, 2023 | Saturday
Ipagdiwang Ang Tagumpay Mula Sa Diyos
Today's verse: Nehemias 8:9-10 – ASND
9 … “Ang araw na ito ay banal sa Panginoon na inyong Dios, kaya huwag kayong umiyak.” 10 Sinabi pa ni Nehemias, “Magdiwang kayo, kumain ng masasarap na pagkain at uminom ng masasarap na inumin. Bigyan nʼyo ang mga walang pagkain, dahil ang araw na ito ay banal sa Panginoon. At huwag kayong mabalisa, dahil ang kagalakang ibinigay ng Panginoon ay magpapatatag sa inyo.”
Read: Nehemias 8
Ang kagalakan na bigay ng Panginoon ay nagbibigay ng kalakasan.
Ang buong Israel sa pamumuno nina Nehemiah at Ezra ay nanumbalik sa Panginoon. Mula sa malayong bansa ng Babylon na kung saan sila ay na-exile ng matagal na panahon, ang mga Israleita ay nagsimulang manumbalik sa Lupang Pangako. Sila ay nagbalik upang ang kanilang mga sarili ay tunay na sumamba kay Yahweh. Kasama sa paghahanda ay ang pakikinig sa pagbasa at pagpaliwanag ng Kautusan ni Yahweh. Ang mga puso nila ay gutom at uhaw sa Diyos kaya sa kanilang pakikinig sa pagbasa at paliwanag, hindi nila mapigilang umiyak. Naantig ang kanilang puso dahil sa presensiya ng Diyos at maging sa kanilang pagkukulang sa Panginoon. Ganunpaman, sila ay inudyukan ni Nehemiah at ni Ezra na ang nararapat sa pagkakataong iyon ay ang magdiwang at hindi ang tumangis! Kasi kagalakan ang ibinuhos ni Yahweh sa kanila. Kaya kailangan nilang mag-celebrate ng buong kagalakan dahil iyon ang tamang tugon sa ginagawa ni Yahweh sa kanilang kalagitnaan!
Sa ating pagsunod sa Diyos, may panahon para maging malungkot at may panahon din para magdiwang. Ang paghahanda sa pagsamba at ang actual na pagsamba dahil sa pagsunod sa Diyos ay sinusundan ng pagdiriwang ng may kagalakan. Pagkatapos ng pagpapakumbaba natin sa Diyos bilang tugon sa kapahayagan ng Salita ng Diyos, ang kasunod niyon ay ang pag-celebrate.
Ang isa sa mga dapat matutunan ng Kristiano ay ito: ‘Celebrate small victories’ bilang kasunod na tugon sa pagpapakumababa at pagsunod sa Diyos. Kailangan nating ipagdiwang ang tagumpay na mula sa Diyos! Ang pagdiriwang ay nararapat para hindi panghinaan ng loob dahil naman sa lungkot. Ang pagdiriwang ay dahil sa kagalakan. At ang kagalakan ay nagdudulot ng kalakasan para lalo pa nating masunod ang Diyos.
Aming Diyos Ama, salamat sa paghikayat mo sa amin na magpakumbaba ng may lungkot na dapat sundan ng pagdiriwang ng may kagalakan. Turuan mo din kaming mag-‘celebrate’ kahit sa mga maliliit naming mga tagumpay.
Sa pangalan ni Hesus, Amen.
Pagnilayan:
Ipaliwanag ito: “At huwag kayong mabalisa, dahil ang kagalakang ibinigay ng Panginoon ay magpapatatag sa inyo.”
Anong mga pagkukulang mo sa Diyos na dapat mong ipagpakumbaba sa Kanya?
Paano dapat magcelebrate ng small victories?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions