May 14, 2023 | Sunday

Tamang Pagkakataon Sa Paggawa Ng Mabuti

Today's verse: Esther 4:14 – MBBTag

Kapag ipinagwalang-bahala mo ang pangyayaring ito, tiyak na may magliligtas din sa mga Judio, ngunit malilipol ka at ang iyong angkan. Anong malay mo? Baka nga napunta ka riyan para maging kasangkapan sa ganitong pagkakataon!”’


Read: Esther 4

May tamang pagkakataon ang paggawa ng mabuti sa kapwa at sa pagsunod sa Diyos.


Malaki ang banta sa buhay ng mga Judio sa panahon na si Esther ay naging dayuhang Reyna ng Persia. Ang kanyang Tito na si Mordecai ay nabahala ng lubos sa kalalagayan ng buhay nila. Hindi simpleng problema tungkol sa pera kundi tungkol sa kanilang buhay mismo. May namumuhi sa kanila kasi sila ay dahuyang Judio. Nasasa kamay ni Queen Esther ang kaligtasan ng kanyang kababayang Judio. Siya ba ay mananahimik, magsasawalang kibo, o magsasawalang-bahala na lang? O pwde niyang gawin ay ipunin ang kanyang tapang para gawin ang mabuting bagay – ang humarap sa Hari ng walang 'appointment'. Makabagbag damdamin ang iniwang salita sa kanya ni Mordecai, “Anong malay mo? Baka nga napunta ka riyan para maging kasangkapan sa ganitong pagkakataon!”


Sa buhay natin ay may darating na mga pagkakataon na kailangang maging matapang na gawin ang mabuti. Alam natin na hindi ganun kasikat ang paggawa ng mabuti lalo na kung ‘safety’ natin ang nakataya. Sanay ang maraming tao na unang ingatan ang sarili kesa sa iba. Masarap isipin kung mas importante sa tao ay ang sakripisyo ng sarili para makagawa ng mabuti para sa kapakanan ng nakararami. At hindi ang personal na kalalagayan o sariling reputasyon lamang.


Isipin natin na kung tayo si Esther, buong tapang ba natin na gagawin ang mabuti kapag tinatawag ng pagkakataon? Mananahimik lang ba tayo, magsasawalang kibo, o ipagwalang-bahala ang pagkakataong gumawa ng mabuti lalo na kung para sa kabutihan ng nakararami? Madalas sa panahon natin ngayon ang nakataya ay hindi naman ang ating buhay. Madalas ang masasagasan ng buong tapang na sumunod sa Diyos at paggawa ng mabuti ay ang ating ‘comfort’, ang ating reputasyon, o di kaya’y ang ating ‘pride’. Mag-decide tayo ngayon pa lang na parangalan natin ang Diyos sa paggawa ng mabuti sa ating kapwa. Tandaan, may tamang pagkakataon ang paggawa ng mabuti at pagsunod sa Diyos. 

Aming Diyos Ama, salamat sa buhay na ibinigay Mo sa amin. Bigyan Mo kami ng lakas ng loob na gawin ang mabuti. Turuan mo kaming magsakripisyo para sa kapakanan ng nakararami. Turuan mo kaming i-grab ang tamang ‘timing’ sa paggawa ng mabuti.

Sa pangalan ni Hesus, Amen.

Pagnilayan:

Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions