May 15, 2023 | Monday
Tamang Pananaw Sa Pagsamba
Today's verse: Job 1:21–22 – MBBTag
20 Tumayo si Job, pinunit ang kanyang damit at nag-ahit ng ulo. Pagkatapos, nagpatirapa siya at sumamba sa Diyos. 21 Ang sabi niya, “Hubad akong lumabas sa sinapupunan ng aking ina, hubad din akong babalik sa lupa. Si Yahweh ang nagbigay, si Yahweh rin ang babawi. Purihin si Yahweh!”
Read: Job 1
Ang tunay na pagsamba ay nangangailangan ng tamang pananaw.
Si Job ay taong makadiyos na may tamang pananaw sa pagsamba. Sinabi niya sa simula ng kanyang matitinding pagsubok sa buhay na, “Hubad akong lumabas sa sinapupunan ng aking ina, hubad din akong babalik sa lupa. Si Yahweh ang nagbigay, si Yahweh rin ang babawi. Purihin si Yahweh!” Bago niya ito sinabi, naranasan niyang pagnakawan ng mga alagang hayop, mamatayan ng mga tupa at mga manggagawa, maging ang tauhan niya ay sinalakay ng mga masasamang loob. At kung di pa sapat iyun, si Job ay namatayan ng mga anak. Sunod-sunod itong ibinalita sa kanya. Ngunit ang tugon lamang ni Job ay “Hubad akong lumabas sa sinapupunan ng aking ina, hubad din akong babalik sa lupa. Si Yahweh ang nagbigay, si Yahweh rin ang babawi. Purihin si Yahweh!”
Maaaring hindi naman kasing tindi ng naging problema ni Job ang mga naging problema natin. Pero ano kaya ang mga naging tugon natin kapag may problemang dumarating sa ating buhay? May mga ilang tao na sobrang nalulungkot at nalulumba – hindi na makausap. May mga taong sadyang binabalewala ang problema – nagpapakasaya na lamang. May ilang din naman na sobrang worried at depressed – pinapabayaan na ang sarili. Ang iba ay sinisisi na ang Diyos – kinaligtaan ang pagsamba at pagdalo sa gawain. Ngunit may ilan na kahit matindi ang problema ay lalo pang lumalapit sa Diyos – may lungkot ngunit sumasamba pa rin ng tunay. Makikita pa rin sila sa mga pagtitipon, tapat sa devotions, at lumalapit sa Diyos ng walang halong kaplastikan.
Anuman ang ating kalalagayan, meron at meron pa rin na tamang tugon. May tunay na pagsamba na galing sa tamang pananaw. Kaya kapag may pagsubok o problema, alalahanin natin na mahal pa rin tayo ng Diyos, hawak Niya pa rin ang ating kalalagayan. Magpatuloy sa pagsamba na may dalang kaisipan na lahat ng meron tayo ay nagmula sa Diyos: “Si Yahweh ang nagbigay, si Yahweh rin ang babawi. Purihin si Yahweh!”
Aming Diyos Ama, nais kong magpatuloy sa pagsamba. Naisin ko na dalin ang kaisipan na lahat ng meron ako ay nagmula sa Iyo. Nais kong purihin Ka kahit sa kalagitnaan ng aking problema. Ako at ang aking buong pamilya ay sumasamba sa iyo.
Sa pangalan ni Hesus, Amen.
Pagnilayan:
Bakit kailangan ng tamang pananaw ang tunay na pagsamba?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions