May 16, 2023 | Tuesday
Ang Diyos Ay Kahanga-Hanga
Today's verse: Psalm 19:1-2– MBBTag
Psalm 19:1-2– MBBTag
1Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan! Ang ginawa ng kanyang kamay, ipinapakita ng kalawakan! 2Sa bawat araw at gabi, pahayag ay walang patlang, patuloy na nagbibigay ng dunong at kaalaman.
Read: Psalm 19
Ipinapahayag ng sangnilikha ang katotohanan na may Diyos at Siya’y kahanga-hanga.
Ang Diyos ay totoo. Ang Diyos ang may lalang ng lahat ng bagay. At sa Awit 19 ay isinalaysay ni haring David kung ano ang kinalaman ng Diyos sa sangnilikha. At sa unang linya ay sinabi na ang buod, “Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan!” Para sa mang-aawit na si David, itong kalangitan at kalawakan ay nilikha ng Diyos. Tunay na ang kalangitan at ang kalawakan ay hindi tumitigil sa pagsasabi patungkol sa kanilang Manlillikha. Hayag na hayag sa malikhaing pananalita na ginamit ni David ang husay ng Diyos na lumikha ng langit at lupa. Tunay na kahanga-hanga ang Diyos.
Kailangang dumating sa punto ng ating buhay ang matinding paghanga sa Diyos at sa kanyang kaluwalhatian. Sa ating pagmasid sa ating kapaligiran lalo na sa kalawakan o ‘universe’, hindi natin maitatanggi na ang mga ito’y buong husay na nangungusap. Ang kalikasan, ang kalangitan, at ang kalawakan ay sumisigaw na totoo at buhay na buhay ang Diyos. Ang sangnilikha ay walang patlang na naghahayag ng dunong at kaalaman ng Diyos.
Ang simpleng pananahimik at paghanga sa Diyos ang sagot sa kaguluhang gumagapi sa puso’t isipan ng mga tao. Ang tao ay kailangang mag-’pause’ sa lahat ng kaabalahan. Simulang pagmasdan ang kalikasan, ang kalangitan, at ang kalawakan na sumisigaw ng kaluwalhatian ng Diyos. Humanga tayo sa Diyos. Ang mga ito’y nagbibigay ng kaalaman ng Diyos. Na kung nalikha ng Diyos ang dakilang kalawakan ng may ganda at kaayusan, kaya din ng Diyos na bigyan ng ganda at kaayusan ang ating mga buhay. Anumang kaguluhan sa ating buhay ay hindi galing sa Diyos! Kaya't ipaayos natin sa Diyos ang ating mga buhay. Sa gayon, mas mahahayag ang kaluwalhatian ng Diyos sa pamamagitan ng ating buhay. Humanga tayo sa Diyos ng mas lubusan araw-araw. Awitan natin siya. Ikwento natin siya sa ating mga kamag-anak at mga kaibigan. Ishare mo itong daily devotion sa iyong FB. Maging malikhain kung paano ikwento ang Diyos sa iba. siguradong may naghihintay ng iyong kwento sa kadakilaan ni LORD. Interestingly, sa buong context ng Psalm 19, kasama sa paghanga sa Diyos ang paghanga at pagsunod sa kanyang alituntunin at kautusan. Check mo ito. Basahin ang buong Awit 19.
Aming Diyos Ama, tunay Kang kahanga-hanga. Patawarin mo ako sa lahat ng aking kakulangan dahil sa aking sobrang kaabalahan. Kailangan ko ang Iyong presensiya sa aking buhay. Ako’y lubos na pahangain Mo sa Iyo sa mga darating pang mga araw.
Sa pangalan ni Hesus, Amen.
Pagnilayan:
Basahin ang buong Awit 19. Ano ibig sabihin ng paghanga sa Diyos ayon sa Awit 19?
Papaano mo magagawa na mas humanga sa Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions