May 20, 2023 | Saturday
Ang Sagisag Ng Pag-Ibig Ng Diyos
Today's verse: Song of Solomon 2:4 – ABTag2001
Dinala niya ako sa bahay na may handaan, at ang watawat niya sa akin ay pagmamahal.
Read: Song of Solomon 2
Napapansin mo ba ang pag-ibig ng Diyos?
Si Haring Solomon ay isa sa mga poetic Kings mula sa kaharian ng Israel. Katulad ng kanyang ama na si Haring David, marami siyang isinulat na naging bahagi ng Old Testament at ng buong Biblia. Bukod sa Mga Mangangaral o ‘Ecclesiates’, isinulat din ni Solomon ang Song of Solomon. Sa aklat na ito nakasulat ang ating napiling talata na sinabing, “Dinala niya ako sa bahay na may handaan, at ang watawat niya sa akin ay pagmamahal.” Ito ay bahagi ng Biblia na naglalahad ng ibigan ng lalake’t babae. Ngunit higit pa sa ibigan ng lalake’t babae, ito rin ay nagsasaad ng pag-iibigan ng Diyos at ng kanyang bayang Israel. Ayon sa ating talata, ipinapahayag na ang pag-ibig ng Diyos ay may sagisag o ‘symbolism’ na para itong watawat. Interestingly, kung sa panahon ni Solomon ang usapan, ang watawat o 'banner' ay may pahayag na paggabay sa mga sundalo sa panahong may giyera.
Sa panahon natin ngayon, ang pag-ibig pa rin ng Diyos ang nagwawagayway at tinatawag ang ating mga pansin. Sa gitna ng mga mala-giyerang labanan sa ating puso’t isipan, ang watawat ng pag-ibig ng Diyos ang palagiang andyan para tayo ay gabayan at bigyan ng pag-asa. Anuman ang ‘condition’ ng ating buhay, ang pag-ibig pa rin ng Diyos ang pinakadakilang sagisag. Matiyagang tinatawag ang ating pansin. Matyagang inaantabayan ang ating pagtugon. Ito ay para dalhin tayo sa kalalagayang masagana.
May kaguluhan ba sa iyong kalooban? Hanapin natin ang sagisag ng pag-ibig ng Diyos kahit sa mga pagkakataong maingay ang iba’t ibang boses. Mga boses na pilit inaagaw ang ating attention papalayo sa Diyos. Panahon na para mas pansinin mo ang pag-ibig na Diyos. Huwag itong balewalain. Panahon na para payagan mo ang Diyos na mas gabayan ka. Kadalasan, ang gabay ng Diyos ay mga salita na galing sa Biblia. Madalas ito din ay malumanay na boses ng Holy Spirit na nangungusap sa mga mananampalataya. Makinig, sumunod, at tanggapin ang blessings ng pananatili at pagsunod sa Diyos.
Aming Diyos Ama, madalas ay may mga negatibong emosyon na humahadlang para mapansin ko ang iyong pag-ibig. Madalas magulo ang palagid at mahirap mapakinggan ang iyong pangungusap. Panatagin Niyo po ako ngayon. Payapain Niyo po ang aking damdamin. Nais ko pong sundan ang gabay ng iyong pag-ibig sa akin.
Sa pangalan ni Hesus, Amen.
Pagnilayan:
Papaano ang tamang paraan tungo sa pag-ibig ng Diyos?
Ano kaguluhan sa iyong kalooban na nagiging balakid para maranasan ang klase ng pag-ibig meron ang Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions