May 9, 2023 | Tuesday
Ang Panalangin Laban Sa Kasawian At Pasakit
Today's verse: 1 Chronicles 4:9-10 – MBBTag
9 Si Jabes ay higit na marangal kaysa mga kapatid niya. Jabes ang ipinangalan sa kanya sapagkat sabi ng kanyang ina, “Masyado akong nahirapan nang ipanganak ko siya.” 10 Ngunit nanalangin si Jabes sa Diyos ng Israel at sinabi: “Pagpalain po ninyo ako! Palawakin ninyo ang aking lupain. Samahan po ninyo ako at ingatan sa anumang kasawiang makakasakit sa akin.” At ipinagkaloob ng Diyos ang kanyang kahilingan.
Read: 1 Chronicles 4
Ang Diyos ay nagkakaloob ng kalayaan sa anumang kasawian at pasakit.
Iniulat sa talata sa itaas ang panalangin ng isang taong marangal na si Jabes. Si Jabes ay taong marangal na ang ibig sabihin ay isang taong may dalisay o busilak na katangian. Bagamat siya’y may dalisay o busilak na katangian kaysa sa kanyang mga kapatid, Si Jabes ay may mga kasawian. At ang mga kasawiang ito’y nagbibigay sa kanya ng pasakit. Alam niya ito at ramdam niya ito. Kaya ang mga ito din ang nagtulak kay Jabes na manalangin sa Diyos laban sa kasawian at pasakit. Tunay ngang dininig at ipinagkaloob ng Diyos ng Israel ang panalangin ni Jabes.
Tinuturuan tayo ng BIblia na lumapit sa Diyos ng Israel ng may pananalangin. Anuman ang ating kalalagayan, bukas ang daan para manalangin tayo sa Diyos. Tayo man ay bagabag ng anumang pasakit tulad ng kakulangan ng pera o depression, may Diyos na pwdeng hainan ng ating requests tungo sa buhay na angat sa anumang kasawian at pasakit.
Alamin kung anong problemadong kalalagayan na naroroon tayo. Ilista ang mga kasawian at pasakit sa ating buhay. Dalin natin ng may pagpapakumbaba ang mga ito sa paanan ng Panginoong Hesus. Alalahanin din natin at idulog sa Diyos kung anong pagpapala ang ating nais mula sa Diyos. At kung malinaw na sa atin ang kalooban ng Diyos, buong pagpapakumbaba tayong lumapit magsabi sa Diyos. Maging ‘specific’ ka sa Diyos ng iyong naisin. Ngunit huwag kakalimutan na ipasakop sa Diyos ang ating buhay. Tandaan, ang Diyos ay mabuti at hindi Siya maramot.
Aming Diyos Ama, ako ay nananalangin laban sa anumang kasawian o pasakit na aking nararanasan. Palayain Mo ako sa anumang problema, kakulangan ng pangangailangan, kaguluhan sa pamilya, worry, depression o anumang takot. Nawa’y maranasan ko na maging maalwan ang buhay at nakakatulong din sa ibang tao. Pagpalain mo ako. Sa pangalan ni Hesus, Amen.
Pagnilayan:
Ang Bible ay nag-describe kay Jabes na marangal. Ano ang ibig sabihin nito?
Ano ang dahilan bakit kaya may nararanasang kasawian ang mga tao?
Paano maranasan ang pagpapala mula sa Panginoong Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions