May 7, 2023 | Saturday
Ang Katapatan at Pag-ibig Ng Diyos
Today's verse: 1 Kings 8:22-23 – MBBTag
22 Pagkatapos nito, sa harapan pa rin ng buong bayan, tumayo si Solomon sa harap ng altar. Itinaas niya ang mga kamay, 23 at nanalangin ng ganito: “Yahweh, Diyos ng Israel, sa langit at sa lupa'y walang ibang Diyos na tulad ninyo. Tapat kayo sa inyong mga pangako sa inyong mga alipin; wagas ang pag-ibig na ipinadarama ninyo sa kanila habang sila'y nananatiling tapat sa inyo.
Read: 1 Kings 8
Ang katapatan at pag-ibig ng Diyos ay napatunayan sa mga pagtupad Niya sa Kanyang mga ipinangako.
Naghayag ng Kanyang mga pangako si Yahweh kay Haring David. At para kay Solomon na anak ng namayapang si Haring David, ang katapatan at pag-ibig ng Diyos ay kanyang nasaksihan. At sa pag-dedicate ng bagong gawang Templo, dinakila ni Haring Solomon ang Diyos sa Kanyang katapatan at sa Kanyang pag-ibig. Kinilala ni Haring Solomon ang natatanging pagka-Diyos ni Yahweh. At buong galak na ipinahayag ito ng Hari sa harapan ng ng buong bayan ng Israel.
Ang pagkilala sa kapatan ng Diyos ay hindi nagiging mahirap para sa isang mananampalataya. Mapapansin natin na sa buhay ng isang anak ng Diyos na nagiging natural ang pagpupuri sa Diyos. Ito ay dahil sa mga naranasan o nasaksihan na katapatan at pag-ibig ng Diyos. Hindi natin kayang pigilin ang pagkilala sa kadakilaan ng Diyos. Nahahayag natin ito ng walang halong pag alinlangan. Bakit? Again, dahil naranasan at nasaksihan natin ang katapatan at pag-ibig ng Diyos.
Kaya dakilain pa natin ng buong lakas ang Diyos sa pamamagitan ng ating buhay. Ihayag natin ng naririnig ng mga tao kung gaano tayo kabilib sa Diyos. Patuloy nating kilalanin na ang Diyos ay buhay. At anuman ang mga pangako ng Diyos, Kanya itong tutuparin! Tunay na ang katapatan at ang pag-ibig ng Diyos ay nararapat lang na walang-sawang ipagsabi.
Aming Diyos Ama, ang katapatan at pag-ibig Mo ay nagbibigay sa amin ng lakas at pag-asa. Tunay na ikaw ang aming Diyos, Panginoon, at Tagapagligtas. Habang tumatagal ay lalo Mo kaming pinapahanga. Habang tumatagal ay lalo namin nararanasan ang iyong pag-ibig. At habang tumatagal ay mas natatamasa namin ang Iyong samu’t-saring pagpapala.
Purihin ka, sa pangalan ni Hesus, Amen.
Pagnilayan:
Ano ang ibig sabihin na ang Diyos ay tapat sa kanyang mga pangako?
Bakit nagiging natural sa mga tunay na anak ng Diyos ang lalong dakilain ang Diyos sa kanyang katapatan at pag-ibig?
Ano na ang mga naranasan mong pagtupad ng Diyos sa kanyang pangako?
Papaano natin maipapaliwanag sa next generation na ang Diyos ay tapat at puno ng pag-ibig?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions