May 3, 2024 | Friday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Mas Tamang Tugon Sa Galawan Ng Diyos
Today's Verses: Psalm 64:9–10 (ASND)
9 At lahat ng tao ay matatakot. Pag-iisipan nila ang mga ginawa ng Dios at ipahahayag ito sa iba. 10 Magagalak at manganganlong sa Panginoon ang lahat ng matuwid. At magpupuri sa kanya ang mga gumagawa ng tama.
Read Psalm 64
May galawan ang Diyos na matatakot at mag-iisip ka. Ngunit may galawan ang Diyos na magagalak ka, manganganlong ka, at magpupuri ka.
Ang Psalm 64 ay patunay na pinahihintulutan ng Diyos ang hugot ng tao. Katulad ng mga naunang ‘psalm of lament’, ang matuwid na pasya ay nasa dulo. Ang dulo ng Psalm chapter 64 ay tungkol sa dalawang tugon mula sa dalawang grupo ng tao. Ang unang grupo ay ang mga tao na natakot, napaisip, kaya ipinahayag ang galawan ng Diyos laban sa mga masasamang tao na may masasamang plano at masasamang gawain. Ang pangalawang grupo ay ang mga matuwid na ang mga gawa ay tama. Sila ang grupo na nagagalak, nanganganlong, at nagpupuri sa Diyos.
May mas tamang tugon kapag napansin natin ang galawan ng Diyos. Sa ating panahon ngayon ay may mga grupo pa rin ng tao na nasasaksaihan ang mga galawan ng Diyos. Sila’y may pagtugon na natakot, napaisip, kaya ipinahayag ang dakilang gawa ng Diyos. Pero may grupo ng tao na mas tama ang tugon sa mga galawan ng Diyos. Mas naging tama ang tugon nila dahil sila ay nanampalataya na at ginagawa na ang kalooban ng Diyos. Ibig sabihin, sila ay nananampalataya na at sumusunod na sa Diyos. At kapag may nakita pa na breakthroughs at miracles ng Diyos, sila ay may kagalakan mula sa Diyos, pananahan sa piling at kalooban ng Diyos, at nagpupuri sa Diyos. Yan ang matinding kaibahan. Yan ang dalawang klase ng pananaw. Yan ang mas tamang tugon natin kung tayo ay may relasyon na sa Diyos.
Tumugon ng mas tama sa galawan ng Diyos. Ang mas tamang tugon sa mga pangyayari sa paligid ay kung may solid kang relasyon sa Diyos. Mabago nawa ang iyong pananaw dahil sa iyong relasyon sa Diyos. Ang religion ay kapos kung wala kang tamang relasyon sa Diyos. Kaya iayos ang iyong pakikitungo sa Diyos sa pamamagitan ng katotohanan ng Biblia. Iwasan ang kuro-kuro o tradisyon lamang ng tao. May hangganan ang katuruan lamang ng tao kumpara sa katotohanan ng Diyos. Magkaroon ng tamang pananaw. Magkaroon ng mas tamang tugon.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, bigyan mo ako ng mas tamang tugon sa iyong mga matuwid na gawa. Bigyan mo ako ng tamang pananaw sa anumang nangyayari sa kapaligiran.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang mas tamang tugon sa mga ginagawa ng Diyos?
Paano gawing tama ang pananaw natin sa buhay?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions