October 5, 2023 | Thursday
Nakikinig At Sumusunod Sa Diyos
Today's verse: John 10:27-28 (MBBTag)
27Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. 28Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan. Kailanma'y hindi sila mapapahamak at hindi sila maaagaw sa akin ninuman.
Read: John 10
Ang pangako ng Diyos ay dakila sa mga nakikinig ng may pagsunod sa Kanya.
Inihayag ni Jesus Christ na ang mga nakikinig at sumusunod sa kanya ay hindi mapapahamak. Bilang karagdagan, hindi mapapahamak ang nakikinig at sumusunod dahil sila’y nakikilala ni Jesus. Mahalaga na bigyan pansin ang mga salitang “nakikilala ko sila”. Sa John 10 pa lamang, tatlong beses nang binanggit ni Jesus na “kilala ko” sila. Kilala ni Jesus ang kanyang mga tupa. At mayroon Siyang dakilang pangako sa kanila.
Ang mga tupa ni Jesus ay ang mga tao na nakikinig at sumusunod sa Kanya. Ang mga ito ay kilala ni Lord. Ating alamin na magkaiba ang kilala mo ang Diyos sa kinikilala ka ng Diyos. Sa katotohanang ito nakasalalay ang pangako ni Lord na “kailanma'y hindi sila mapapahamak at hindi sila maaagaw sa akin ninuman.” Kung tayo ay isa sa mga nakikilala ni Jesus, tayo ay may panghahawakan na dakilang pangako. Ito maaari ay hindi natin masyadong ma-appreciate ng biglaan. Pero kung mas lalaliman natin ang ating pang-unawa na ang pag-iingat ng Diyos sa atin ay 'from here to eternity', mas pahahalagahan natin ang pakikinig at pagsunod sa Diyos. Tunay na ang pag-iingat at pagpapala ng Diyos ay mula dito hanggang buhay na walang hanggan. Isang malaking karangalan at napakalaking pakinabang na kilalanin ang tao ng Diyos.
Lubos na siyasatin natin ngayon ang ating mga sarili: tayo ba ay hindi nakikinig at sumusunod sa Diyos? Or nakikinig naman pero hindi sumusunod? Or parehong nakikinig na, sumusunod pa? Importante kay Jesus ang nakikinig sa Kanyang Salita at sumusunod sa Kanyang mga utos. Makinig ng mabuti sa Diyos at bukal sa pusong sundin ang Diyos upang maging malakas ang patunay na kilala ka ng Diyos. May malalim na naisin si Lord na ‘hindi mapahamak’ o ‘maagaw’ ninuman ang sa Kanya’y nakikinig at sumusunod. Magpakumbaba tayo. Manalangin.
Panalangin:
Aking Ama sa langit, salamat dahil may pangako ka na hindi mapahamak ang taong kinikilala Mo. Ako palagian Mong ingatan at pagpalain. Naisin ko na palagiang makinig at sumunod sa Iyo.
Ikaw ang aking Tagapagligtas at Panginoon. In Jesus’ Name. Amen.
Pagninilay:
Ano ang kaibahan ng nakikinig lamang ngunit hindi sumusunod sa Diyos, sa nakikinig na sumusunod pa sa Diyos?
Paano malilinang ang aking sarili na nakikinig at sumusunod sa Diyos?
Ano ang mga pangako ng Diyos sa mga nakikinig na sumusunod pa sa Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions