October 6, 2023 | Friday
Darating Ang Diyos Upang Iligtas Ka
Today's verse: Isaiah 35:3-4 (MBBTag)
3 Inyong palakasin ang mahinang kamay, at patatagin ang mga tuhod na lupaypay. 4 Ito ang sabihin sa pinanghihinaan ng loob: “Huwag kang matakot, lakasan mo ang iyong loob! Darating na ang Diyos, at ililigtas ka sa mga kaaway.”
Read: Isaiah 35
Anuman ang iyong mga kinakaharap na problema, darating ang Diyos para iligtas ka.
Ang mga dakilang mga pangako mula sa Isaiah 35 ay nagbibigay pag-asa. Tinatawagan ni propeta Isaiah ang mga pinanghihinaan ng loob at ang mga lupaypay. Dapat huwag matakot kundi lakasan ang kalooban dahil darating ang Diyos para magligtas sa anuman at kaninuman.
Isipin mo ang iyong mga mahihirap na pinagdaraan ngayon sa buhay. Ang mga pighati, karamdaman, kalungkutan o mga kakulangan – lalo na ang mga spiritual attacks. Lahat ng ito ay napagtagumpayan na ni Jesus Christ. Ang pinapangarap na mangyari sa Old Testament patungkol sa pagdating ng Cristo ay nangyari na sa panahon natin. Yes! Dumating na ang Panginoon Jesus! Siya ay nagbibigay lakas ng loob, nagtatangal ng takot, at nagliligtas. Siya ay nag-aalis ng kasalanan at nagbibigay pag-asa. Siya ang Tagapagligtas ng ating kaluluwa mula sa kasalanan at maging sa anumang mga problema.
Ibigay mo ang iyong mga takot sa Diyos. Ilagak mo sa Diyos ang iyong pusong napanghihinaan. Magpakatatag ka sa lakas na kaloob sa iyo ng Panginoon. Isuko ang anumang pride meron pa tayo. Maging teachable ang humble dahil doon mas nakakagalaw ng malaya ang Diyos sa ating buhay. Sundin mo ang kalooban ng Diyos. Umasa ka. Darating ang Panginoon para iligtas ka.
Panalangin:
Diyos na aking Ama, ako po ay nagpapakumbaba. May mga problema na nais akong gupuin. Minsan gusto ko nang sumuko. Ako po ay Inyong katagpuin. Ako ay Iyong iligtas. Naniniwala ako na ikaw ay narito para ako ay iligas.
Ikaw ang aking Tagapagligtas. In Jesus’ Name. Amen.
Pagninilay:
Ano ang mga pwedeng panggalingan ng panghihina at takot ng tao?
Papaano maging malakas at matatag sa mga problema at pagsubok sa buhay?
Papaano ko mas ihahayag o ipaparamdam ang naisin ng Diyos na dumating sa buhay ng mga tao at magligtas?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions