September 23, 2023 | Saturday
Ang Resulta Ng Pagpapakumbaba At Pagtitiwala Sa Diyos
Today's verse: 1 Peter 5:6 (FSV)
Kaya't magpakumbaba kayo at pasakop sa Makapangyarihang Diyos, at kayo'y itataas niya sa takdang panahon.
Read: 1 Peter 5
Ang pagpapakumbaba sa Diyos ay nagreresulta sa pagdakila at pagpapala ng Diyos
Pinapahalagahan ni Apostle Pedro ang pagpapakumbaba. Alam niya na tapat ang Diyos sa pagdadakila at sa pagpapala sa mga nagpapakumbaba sa Kanya. Alam din ni Pedro ang gagawing pagpapabagsak ng Diyos sa mga nagmamataas. Firsthand kumbaga na nakita’t naranasan ito ni Pedro. Naobserbahan niya ito sa sarili niyang buhay nang niyabangan niya si Jesus at nang ipinagkanulo niya din si Jesus. Naranasan niya rin naman kung papaano siya dinakila ng DIyos nang siya'y nagpakumbaba. Kaya't buong pusong pinapaalalahanan ni Apostle Pedro ang mga nasasakupan niya na magpakumbaba.
Ang ating panahon ngayon ay maraming halimbawa ng mga taong nagpakumbaba sa Diyos na dinakila ng Diyos. Maging ng mga taong nagmataas na sinalungat at ibinagsak naman ng Diyos. Maaaring ikaw mismo ay may sariling halimbawa. Na-obserbahan mo na rin marahil ito sa iyong paligid. Ang pagpapakumbaba sa Diyos ay maraming benepisyo kesa sa mga consequences ng pagyayabang. Nalaman natin ngayon na ang Diyos din mismo ang nagdadakila sa mga nagpapakumbaba. Dagdag pa rito, ang Diyos din mismo ang sumasalungat sa nagmamataas (see v.5). Pansin natin dito na sisiguraduhin ng Diyos ang pagpapala at ang pagdakila sa mga nagpapakumbaba. Sisiguraduhin din ng Diyos na sasalungatin Niya ang sinumang magmamataas.
Piliin natin na magpakumbaba. Iwasan natin ang magmataas. Piliin nating maging kakampi ang Diyos. Piliin natin na pagpalain at dakilain ang Diyos kesa salungatin ang Diyos. Tandaan lagi na ang Diyos ang siguradong sasalungat sa mga nagmamataas. Ang Diyos din ang magsisiguro ng pagpapala at pagdakila sa mga nagpapakumbaba. Napakainam na maging nasa panig ng Diyos.
Panalangin:
Diyos Ama, ako’y nagpapakumbaba sa Iyo. Nais kong pagpalain Mo ako. Ilayo Mo po ako sa anumang klase ng kayabangan. Tulungan mo akong maging tagapagtaguyod ng kapakumbabaan. O Diyos, ikaw ang madakila sa buhay ko at sa lahat ng ginagawa ko.
In Jesus’ name. Amen.
Pagninilay:
Ano ang kaibahan ng nagpapakumbaba sa nagmamataas?
Papaano magiging gawi o kasanayan ng isang tao ang pagpapakumbaba sa Diyos?
Bakit ganun na lamang kaya ang naisin ng Diyos na pagpalain ang mga nagpapakumbaba (v.6) at salungatin naman ang nagmamataas (v.5)?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions