September 19, 2023 | Tuesday
Ang Kalakip Ng Buong Pusong Pagsunod Sa Diyos
Today's verse: Philippians 2:12-13 (MBBTag)
12 Kaya nga, mga minamahal, tulad ng inyong buong-pusong pagsunod noong ako'y kasama pa ninyo, lalo kayong maging masunurin ngayong ako'y malayo sa inyo. Pagsumikapan ninyong maging ganap ang inyong kaligtasan nang may lubusang paggalang at pag-ibig sa Diyos, 13 sapagkat ang Diyos ang kumikilos sa inyo upang inyong naisin at isagawa ang kanyang kalooban.
Read: Philippians 2
Ang kalakip ng buong pusong pagsunod sa Diyos ay ang tapat na galawan ng Diyos tungo sa ating ikaaayos at ikalalago.
Kapansin pansin na si Apostle Pablo ay may pagmamahal para sa kanyang mga natulungang lumapit sa Panginoon. Ang tawag niya sa mga taga-Filipos ay ‘mga minamahal’. Naisin ni Pablo na sila’y buong pusong magpatuloy sa relationship nila sa Lord. Ang susi sa relasyong ito ay ang patuloy at buong pusong pagsunod nila sa Diyos. Binanggit ni Pablo ang nararapat nilang pagsusumikap ng may tamang intensyon o layunin. Nakakatuwa si Pablo dahil alam niya kung paano mang-encourage sa pamamagitan ng katotohanan.
May kasiguraduhan ang isang true believer na may buong pusong pagpapatuloy na may pagsunod sa Diyos. Ang kasiguraduhan ay gagawin ng Diyos ang part Niya. Sure yan! Ito ay para lalo nating maranasan ang kaayusan at paglago sa ating buhay. Ang paglago natin ay unang-una sa spiritual. Ang kasunod ay ang mental or emotional health. Totoo na dependent ang ating mental/emotional health sa ating spiritual wholeness.
Kailangan bigyan pansin ng believer ang pagsusumikap na “magpatuloy nang may takot at lubos na pag-iingat“. Sa believer na, alalahanin natin na mas marami ang mabuting dahilan para magpatuloy sa pananampalataya kesa sumuko dahil may mga problema. Isaayos natin ang ating oras sa gitna ng lahat ng araw-araw na kaabalahan. Maging aware tayo sa galawan ng Diyos. Ang galawan ng Diyos ay siguraduhin na maalalayan tayo na makasunod sa kalooban Niya. Ngunit kailagan Niyang makita ang buong puso nating kagustuhan na makasunod. Kung gets mo ito, sure na mae-enjoy mo ito.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, salamat sa matapat Mong pag-alalay sa amin. Pag-alabin Mo po ang aming relasyon sa Inyo. Masabayan namin ito nang may taos-pusong pagsunod sa Iyo. Hindi namin kaya sa aming sarili lamang. Bigyan Mo kami ng biyaya na naisin at isagawa ang Iyong kalooban.
Sa makapangyarihang pangalan ng Panginoong Jesus. Amen.
Pagninilay:
Ano ang ibig sabihin sa v.12 na ‘pagsumikapan ninyong maging ganap ang inyong kaligtasan”?
Ayon sa v.13, ano ang kinalaman ng Diyos sa ating ikalalago sa buhay Kristiyano?
Ilista sa iyong journal notes kung ano ang mga ipinapagawa sa iyo ng Diyos tungo sa iyong paglago?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions