September 13, 2023 | Wednesday
Patatawarin At Lilinisin
Today's verse: 1 John 1:8-9 (MBBTag)
8 Kung sinasabi nating tayo'y walang kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at wala sa atin ang katotohanan. 9 Subalit kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, patatawarin tayo ng Diyos sa mga ito, at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasalanan, sapagkat siya'y tapat at matuwid.
Read: John 1
Ang pagpapatawad at paglilinis ay matapat at matuwid na tugon ng Diyos sa taong nagpapahayag ng kanyang kasalanan.
Si Apostle John ay nagpahayag ng katotohanan na ang Diyos ay nagpapatawad ng kasalanan. Ang Diyos din ay naggagawad ng paglilinis sa nagkasala na nagpapahayag ng kasalanan. Yan ay matapat at matuwid na tugon ng mapagpatawad Diyos. Kapag may pag-amin ng pagkakasala at kapag may pagpapahayag ng nagkakasala, nagiging mas makatotohanan ang tugon ng Diyos na matapat at matuwid na pagpapatawad at paglilinis. May pag-asa sa mga nagpapakumbaba
Aminin natin na tayo’y nagkasala. Hindi natin dapat na dayain ang ating sarili. Hindi rin dapat na ikahiya. Huwag din nating ituro ang ibang tao na makasalanan. Dinadaya natin ang ating sarili kapag tayo'y nagmamalinis. Walang pakinabang kung magmamalinis. Ang kailangan ay magkaroon tayo ng realization na tayo’y nagkasala. Tayo ay magpakumbaba. Kung tayo’y magpapakumbaba at ipapahayag natin ang ating mga kasalanan, may pangako ang Diyos na siguradong tutuparin Niya – tayo ay patatawarin at lilinisin sa ating mga kasalanan as if hindi tayo nagkasala. Posible ba itong mangyari? Yes! May pangako sa Biblia na tayo ay patatawarin at lilinisin sa anumang kasalanan. Iyon ay kung ay totoong aaminin natin at ipahahayag natin.
Kailangang magpakumbaba tayo sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapahayag ng ating kasalanan. Pansinin na hindi lamang paghingi ng patawad. Ito dapat ay may pagpapahayag ng pagkakasala natin. Much better kung mapangalanan natin ang kasalanan. Kasama nito ay huwag nang magturo pa ng iba na para bang sila ay makasalanan at tayo ay hindi. Yan ang ating part. Ang part ng Diyos naman ay ang magpatawad at ang maglilinis ng puso taong nagpapahayag ng pagkakasala. Tara! Pagaanin ang pakiramdam natin. Tanggapin ang pangakong pagpapatawad at paglilinis ng Diyos sa atin.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, kailangan ko ang iyong pagpapatawad at paglilinis sa aking buhay. Tulungan mo akong iwaksi ang aking mga kasalanan. Bigyan mo po ako ng mapagpakumbaba na pagkatao. Umaamin sa aking mga pagkakasala. Nais ko pong matamasa ang pagiging malapit sa iyong puso at kalooban. Gawin mo akong mapagpakumbaba at malinis sa iyong harapan.
Ikaw ang aking Panginoon. In Jesus’. Amen.
Pagninilay:
Papaano natin masisigurado na tayo ay pinatawad na ng Diyos?
Papaano dinadaya ng tao ang kaniyang sarili?
Anong mahalagang pag-uugali meron sa pag-amin natin sa ating pagkakasala?
Paano ko malalaman na tinanggap ng Diyos ang aking paghingi ng tawad?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions