September 25, 2023 | Monday
Ang Pag-Asang May Paghihintay At Katiyagaan
Today's verse: Romans 8:24-25 (MBBTag)
24 Naligtas tayo dahil sa pag-asang ito. Ngunit hindi iyon matatawag na pag-asa kung nakikita na natin ang ating inaasahan. Sapagkat sinong tao ang aasa pa kung ito'y nakikita na niya? 25 Ngunit kung umaasa tayo sa hindi natin nakikita, hinihintay natin iyon nang buong tiyaga.
Read: Romans 8
Ang pag-asa sa kalooban ng isang tao, lalo na ng isang anak ng Diyos, ay nagbubunga ng paghihintay nang may katiyagaan.
Si Apostle Pablo ay taong puno ng pag-asa. Halata ito sa kanyang mga isinulat lalo na sa verses nasa itaas. Kanyang sinabi na magka-partner ang pag-asa na may paghihintay at katiyagaan. In context, ang pag-asa na ito ay patungkol sa kaluwalhatian na ihahayag na Diyos para sa ikabubuti ng sangnilikha o Creation, at ng mga tunay na anak ng Diyos. Ang paalala ni Pablo ay dapat puno nang pag-asa ang isang Kristiano.
Ang pag-asa ay mahalagang sangkap ng pagiging tao – lalo na ng pagiging anak ng Diyos. Ang pag-asa ay nakakapagbigay sigla at layunin sa pangkasalukuyan dahil may inaatay na mangyari o makamtan sa panghinaharap. Sa anak ng Diyos, ang pag-asa ay may kinalaman sa mga pangako at sa layunin ng Diyos. Dahil alam ng anak ng Diyos na may pagliligtas na gagawin ang Diyos, sila ay natututong maghintay ng buong tiyaga. Ang pag-asa sa puso ay hindi nakikita sa panlabas pero ito ay nararamdaman. Ang pag-asa sa puso ang nagbibigay sigla na mag-antay. Ang anak ng Diyos habang nag-aantay ay mas masigla, mas masigasig, at mas mapagpasensiya.
Siyasatin ang iyong puso kung may pag-asa ka. Alamin at unawain na ang pag-asa sa buhay ay hindi nakabase sa kasalukuyan mong kalalagayan. Ang pag-asa sa puso ay dala ng inaasahan sa hinaharap. Kung maka-Diyos ang pag-asa na nasasa iyo, ikaw ay siguradong magkakaroon ng pagtitiyaga sa pag-aantay. Gandahan mo ang iyong pananaw sa iyong panghinaharap dahil ikaw ay may pag-asa. Kung ikaw ay anak ng Diyos, may kabuluhan ang iyong paghihintay. Bakit? Dahil buhay ang Diyos na nangako sa iyo, naglingtas sa iyo, at nagsasaayos sa panghinaharap mo.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, salamat sa pag-asang inilalagay mo sa aking puso. Ang pag-asang ito ay mula sa Iyo. Ako ay maghihintay ng buong tiyaga sa unti unting katuparan ng Iyong mga pangako.
Salamat po sa pag-asa, aking Panginoon. In Jesus’ name. Amen.
Pagninilay:
Ayon sa Romans 8:24-25, ano ngayon ang ang bago sa iyong pagkakaunawa sa salitang pag-asa?
Papaano nagkakaroon ng kakaibang pag-asa ang isang tao lalo na ang anak ng DIyos?
Ano ang mga pag-asa na pakinabang sa pagiging anak ng Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions