September 7, 2023 | Thursday
Sipag Na May Alab Sa Paglilingkod
Today's verse:Romans 12:11-12 (FSV)
11 Magpakasipag kayo at ang kalooba'y lalo pang pag-alabin sa paglilingkod sa Panginoon. 12 Magalak kayo sa pag-asa, maging matiisin sa pagdurusa, at maging matiyaga sa pananalangin.
Read: Romans 12
Ang sipag sa buhay at sa ministry ay nagpapatuloy kung may alab sa paglilingkod sa Diyos at mga tamang pag-uugali.
Binibigyan liwanag ni Pablo ang ilang mga bagay patungkol sa pagpapatuloy sa buhay Kristiano. Binanggit din niya na magpakasipag ng may kalooban na lalo pang nag-aalab dahil sa paglilingkod sa Diyos. Kalakip nito ay mga pag-uugali ng pagiging magalak, matiisin, at matiyaga. Itong lahat ay mga payo ni Pablo sa context ng pag-alay ng sarili sarili sa Diyos na bilang buhay na handog (v.1).
Sa ating panahon ngayon, pinapaalala sa atin ng Biblia na ang sipag sa buhay at lalo na sa ministry ay naipagpapatuloy kung ang ating kalooban ay mayroong alab. Ang kalooban natin ay mag-aalab kung patuloy tayo sa paglilingkod sa Diyos. Sa puntong ito, bigyan diin natin ang mga salitang sipag at alab. Ang pagpapatuloy sa pananampalataya na nakaugnay sa Panginoon ay may kinalaman sa ating pagpapakasipag at pagiging maalab. Tanggalin mo ang dalawang iyan, tayo bilang Kristiano ay unti-unting mapanghihinaan ng loob at mawawalan ng gana na maglingkod pa. Maniwala ka. Totoo ito! Kaya lang, ang panghihina ng loob at kakulangan ng sipag ay hindi basta-basta nahahalata dahil unti-unti itong nangyayari. Kamukat-mukat natin, wala na pala ang alab ... pati na ang sipag. Ayaw natin itong mangyari. Sa pagkakaroon ng sipag at alab, kailangan din natin ang mahahalagahang pag-uugali sa pagpapatuloy sa Panginoon: ang pagiging magalak, matiisin, at matiyaga.
Tayo’y magpakasipag at huwag maging tamad. Tayo’y maglingkod sa Diyos ng nag-aalab ang kalooban at hindi nanghihina dahil sa kaabalahan. Mag-isip lagi ng paraan para hindi mabakante sa paglilingkod. Gawin ang naisip. Ating taglayin ang mga pag-uugali tulad ng pagiging magalak dahil may pag-asa, pagiging matiisin kahit may pagdurusa, at pagiging matiyaga sa mga pananalangin.
Panalangin
Aking Diyos Ama, ayokong mapanghinaan ng loob. Palakasin mo ang aking loob na mapaglabanan ang mga labis na kaabalahan para magdahilan. Gawin mo akong masipag at maalab sa paglilngkod at ilayo mo ako unti-unting panghihina dahil sa mga kaabalahan at hindi tamang pag-uugali. Turuan maging magalak dahil may pag-asa, maging matiisin kahit may pagdurusa, at maging matiyaga sa mga pananalangin.
Ikaw ang aking Tagaligtas at aking Panginoon. Sa pangalan ni Jesus. Amen.
Pagninilay:
Ipaliwanag ang ibig sabihin ng pagiging masipag?
Papaano magkakaroon ng kalooban na nag-aalab?
Ayon sa Romans 12:12, sa ano tayo dapat maging magalak, maging matiisin, at maging matiyaga?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions