August 3, 2023 | Thursday

Ang Masaganang Buhay Kay Kristo

Today's verse: Juan 10:10‭-‬11, RTPV05

Dumarating ang magnanakaw para lamang magnakaw, pumatay, at manira. Naparito ako upang ang mga tupa ay magkaroon ng buhay, ng isang buhay na masagana at ganap. “Ako ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa.

Read: John 10 

Ang isang masagana at ganap na buhay ay may masaganang pinanggagalingan (abundant source). At ito ay umaapaw sa imbakan ng pagpapala ni Kristo.


Pinapahayag ng talata ang kaibahan sa pagparito ng Panginoon kumpara sa magnanakaw na mga religious leaders o ng Diablo. Malinaw na sinasabi ng Panginoong Hesu-Kristo na walang gawain ang magnanakaw kundi magnakaw, pumatay at manira. Sinasabi naman ng Panginoong Jesus na naparito Siya upang maging masagana at ganap ang buhay ng mga tao. May nag-iisang "Mabuting Pastol" na nagbibigay ng Kanyang buhay alang-alang sa Kanyang mga tupa.


Si Hesu-Kristo ang "Mabuting Pastol". Ito’y katotohanan na hindi nagbabago noon pa man. si Hesu-Kristo ang "source" ng masagana at ganap na buhay. Kaya ang buhay kristiyano ay hindi salat sa maraming bagay dahil ang Diyos na pinanggagalingan ng lahat ay masagana sa lahat ng bagay. At magagawa Niyang katagpuin at punan ang kakulangan natin sa buhay. Ang mga ninanakaw ng Diablo binabalik ng Panginoon. Anuman ang nilalagay sa atin ng kaaway inaalis sa atin ng Diyos. Patunay ito na tunay ngang "dumarating ang magnanakaw para lamang magnakaw, pumatay, at manira. Naparito ako upang ang mga tupa ay magkaroon ng buhay, ng isang buhay na masagana at ganap".


Huwag nating hayaan ang mga pag-alala at problema ay magbibigay sa atin ng lumbay. Ibigay natin kay Hesus ang ating mga dalahin. Hayaan natin pawiin Niya ito at punan Niya ng kanyang pag ibig, mga pangako, at kaligayahan. Ang ating masaganang buhay ay hindi lamang pinansyal kundi kalakip din ito ng kabuuan ng pangako ng Diyos sa atin; Lasapin natin ang Kanyang kabutihan, ang Kanyang kaligayahan, at ang Kanyang pag-ibig kahit maging sa gitna ng anumang krisis. Ito ang kahulugan ng masagana at ganap na buhay natin kay Kristo.

Panalangin

Aking Ama sa pangalan ng Panginoong Hesu-Kristo, maraming salamat sa isang masagana at ganap na buhay na pangako ng Panginoon sa kanyang pagparito. Kahit may pagsubok at problema sa buhay, hindi pa rin ako salat sa Iyong pag ibig, kaligayahan, at kabutihan.

Maraming salamat sa pagsalungat sa gustong mangyari ng kaaway. Inibsan mo ito sa pamamagitan ng iyong pagbibigay ng masaganang buhay sa amin. Sa Iyo ang kapurihan sa pangalan ni Hesu-Kristo, Amen.

Pagnilayan:

 Written by:Miguel Amihan Jr

Read Previous Devotions